Pahayag 5:8-14
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
8 Nang(A) ito'y kunin niya, nagpatirapa sa harapan ng Kordero ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno. Bawat isa'y may hawak na alpa at may gintong mangkok na punô ng insenso na siyang mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos. 9 Inaawit(B) nila ang isang bagong awit:
“Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa kasulatang nakabalumbon
at magtanggal sa mga selyo niyon.
Sapagkat pinatay ka, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay tinubos mo ang mga tao para sa Diyos,
mula sa bawat lahi, wika, bayan at bansa.
10 Ginawa(C) mo silang isang lahing maharlika at mga pari na itinalaga upang maglingkod sa ating Diyos;
at sila'y maghahari sa lupa.”
11 Tumingin(D) akong muli at narinig ko ang tinig ng milyun-milyon at libu-libong anghel. Sila'y nakapaligid sa trono, sa apat na buháy na nilalang at sa matatandang pinuno. 12 Umaawit sila nang malakas,
“Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat
tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan,
kaluwalhatian, papuri at paggalang!”
13 At narinig kong umaawit ang bawat nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, lahat ng mga naroroon,
“Sa nakaupo sa trono, at sa Kordero,
ang papuri at karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan,
magpakailanman!”
14 At sumagot ang apat na nilalang na buháy, “Amen!” At nagpatirapa ang matatandang pinuno at nagsisamba.
Read full chapter